MAG-ANAK KA NA KASI!
Whew! Ang isinulat ko sa itaas ay isa
lamang sa mga katagang kinaiinisan ko sa ngayon. Take note: sa
ngayon, ibig-sabihin, puwedeng magbago depende sa panahon at ilang
mga kondisyon.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay
magta-Tagalog ako. At dahil ito nga ang kauna-unahang pagkakataon ko
na gawin iyon, ay sasamantalahin ko na! Paunawa lang, kung sensitibo
ka sa usaping “pagkakaroon ng anak”,
hindi para sa iyo ang blog entry ko ngayon. Pasensya na po, blog ko ito. Pero kung open-minded ka ay sigurado akong maiintindihan mo ang punto ko.
hindi para sa iyo ang blog entry ko ngayon. Pasensya na po, blog ko ito. Pero kung open-minded ka ay sigurado akong maiintindihan mo ang punto ko.
“Mag-anak ka na kasi!” Katagang madalas kong marinig sa mga kakilala, kamag-anak, dating
ka-trabaho, mga dating guro, mga dating kapitbahay, mga kaopisina at
mga kaibigan. Ang katagang naging dahilan ng pagnanais kong bumili ng
blank CD at i-record ang mga saloobin o sagot ko para sa tuwing
maririnig ko iyan ay hindi ko na kailangang mangatwiran pa at sumagot
ng pagka-haba-haba; ipi-play ko lang ang CD at presto! Hayan na ang
sagot ko. No more, no less. Tapos ang usapan.
“Mag-anak ka na kasi!” Bakit daw?
Maganda raw kasi magka-anak habang bata pa. Kung gaano ka-bata, iyan
ang hindi ko maintindihan. Kung totoong magandang magka-anak habang
bata pa, sana'y nagpabuntis na ako noong teenager pa lang ako. Kung
totoong mainam magkaanak habang bata pa, bakit wagas kung makalait at
makapangmata ng teenage mothers ang karamihan? Kung totoo ito, wala
palang kuwenta ang pangaral ng mga magulang natin na magtapos muna
bago mag-asawa o sa makabagong panahon ay magpabuntis, eh di
sana pala, noon pa ako nagsimulang gumawa ng bata. Eh di sana,
nagpabuntis na ako bago nagtapos ng kolehiyo, o mas maganda nga yata, bago pa ako nagtapos ng high school. Teka, ano ba ang age
bracket ng sinasabi nilang “maganda magkaanak habang bata pa”? Be
specific naman. Puwede naman sabihing “Magandang magkaanak sa edad
na 25-30, or sa edad na 12-19 (habang bata pa raw eh!).
Makunat na raw ako, at mahihirapan daw
akong manganak kapag nagkaanak ako nang lampas na sa kalendaryo ang
edad ko. At hindi ako makapaniwala na maririnig ko ito sa tatay ko.
Oo, hindi kayo nagkakamali, isa ang tatay ko sa mga taong nagsabing
matanda na ako. Oo nga pala! Nakalimutan kong 28 years old na nga
pala ako. Pakiramdam ko kasi, bata pa ako. At sabi nga ng iba,
paanong lalampas ng kalendaryo ang edad ng isang tao eh 365 days ang
isang yearly calendar.
Kung sabagay, nabasa ko nga sa isang
research na nasa pinakamagandang kondisyon ang “reproductive
system” nating mga babae sa edad na 24-27 kaya't dapat daw ay
magkaanak na tayo sa ganitong panahon. Pero hindi rin eh. Walang 100%
safe sa mundo. Kahit magkaanak ka sa edad na kinse o limampu
(menopausal baby), hindi pa rin tayo nakatitiyak na walang
kumplikasyon; nasa Diyos pa rin iyan. Kung minsan pa nga, nagtataka
pa tayo dahil malusog at walang bisyo ang babae pero nagkaroon pa
rin ng problema ang kanyang pagbubuntis at panganganak, samantalang
may ibang mga babae na napakaraming bisyo pero maayos namang
nakapanganak at may malusog na sanggol.
“Mag-anak ka na kasi!” Na para bang
ganoon kadali iyon! Wala pa nga kaming sariling bahay ng asawa ko, at
hindi pa kami dapat magpaka-kampante sa mga trabaho namin. Bago pa
lang siya sa public school at kahit naman regular na ako sa kumpanya
namin, hindi pa rin ako dapat magpaka-kampante dahil hindi naman
panghabambuhay ang trabaho ko. May mga nagsabi pa na nariyan naman
ang mga magulang namin para tumulong. Ano raw? Para ano pa't
nag-asawa ako. Hindi yata nila nabasa ang sinabi sa Bibliya yung line
sa isang Bible verse tungkol dun sa pag-iwan ng lalaki sa mga
magulang nya. Wala namang sinabing “isasama ng lalaki ang babae (or
vice-versa) sa bahay ng kanyang ama't ina.
Again, kung valid ang
kaisipang “nariyan naman sina nanay”, sana'y inuna ko ang
mag-asawa kesa mag-aral dahil susuportahan naman pala nila ako.
Puwede naman palang unahin ang pag-aasawa kesa pag-aaral dahil
nariyan naman sina nanay para sumuporta. Again, kung totoo ito, wala
palang kuwenta ang pangaral ng mga magulang natin na magtapos muna
bago mag-asawa, niloloko lang pala nila tayo dahil kaya naman pala
nila tayong suportahan. Puwede ko palang pangaralan ang mga kapatid ko na magpabuntis habang nag-aaral pa.
Panganay ako sa aming magkakapatid
kaya't sanay akong maging independent. Sanay ako na ako ang
inaasahan, hindi 'yung ako ang umaasa. Sanay ako na ako ang
tumutulong. Umalis ako sa poder ng mga magulang ko nang nagkaroon ako
ng trabaho para patunayan na kaya kong buhayin ang sarili ko. Kaya't
isang napakalaking insulto sa akin na makitira sa bahay ng mga
magulang ko o sa bahay ng mga magulang ng asawa ko dahil parang
sinabi ko na rin na hindi ko kaya ang sarili ko. Hangga't maaari,
ayaw kong gawing yayang walang sahod ang
mga magulang ko. 'Yun bang pinaalagaan na nga sa kanila ang mga apo,
pero pati pambili ng gatas, vitamins at kung anu-ano pa, sila pa rin
ang sagot. Matatanda na nga sila, pero puno pa rin ng problema. Hindi
man lang tayo makonsensiya na noon, halos kinalimutan ng mga magulang natin
ang sariling mga pangangailangan at inuuna ang pangangailangan natin, pati ba naman sa mga apo, ganoon pa rin? Hindi man lang sila
nabigyan ng pagkakataon na mag-enjoy. Para sa akin, makakapal ang
mukha ng mga taong pati pangangailangan nilang mag-anak ay kargo pa
rin ng kanilang mga magulang. Bakit ka nag-asawa kung hindi mo naman
kaya, hindi ba? Kasalanan mo 'yan, panindigan mo 'yan. Dapat, bago mo pinasok 'yan, inisip mo muna kung kaya mo.
Mataas ang pangarap naming magkakapatid para sa mga magulang namin. Gusto naming maranasan nilang mag-enjoy, 'yun bang pa-travel-travel, namamasyal kung saan, o puwede namang mag-alaga ng mga apo. Oo, mag-alaga ng mga apo, pero hindi porke't sila ang nag-aalaga eh kargo nila pati panggastos ng mga apo nila. Sagot na namin 'yun. Puwede naman kaming umasa at makitira sa poder ng mga magulang namin kung (may God forbid) naging imbalido kami. 'Yung tipong bedridden at pati mga asawa namin ay hindi kami kayang ipagamot. In short, kung hindi na talaga namin kaya. Pero hangga't kaya naming magkakapatid, ibibigay namin sa kanila ang bunga ng kanilang mga pinaghirapan.
Takot ako sa sumbat. Ayaw ko nang
nagmamakaawa sa iba kapalit ng maliit na tulong na puwedeng isumbat
sa akin habambuhay. Hindi ko ma-imagine ang sarili ko na umiiyak at
nagmamakaawa na bigyan ako ng pambili ng gatas ng mga anak ko dahil
sa na-delay ang suweldo naming mag-asawa. Isa pa, naiinis ako kapag
nakakakita ako ng mga batang walang makain, walang maayos na damit at
namamalimos imbes na mag-aral. Ang sarap batukan ng mga magulang
nila, lalo na sa tuwing sinisisi nila ang gobyerno sa kahirapang
dinaranas nila. Puwede ba?! Hindi naman inutos ng gobyerno na gumawa
kayo ng bata nang hindi handa.
Balik tayo sa topic: “Mag-anak ka
na!” Teka, bakit nga pala ito ang madalas kong naririnig sa iba?
Hindi ba puwedeng “May ipon ka na ba?” “May pambili ka na ba
ng bahay?” “Na-check mo na ba ang contribution mo sa SSS at
Philhealth?” Ang mga tanong na ito sana ang gawing intro bago
ang katagang “Mag-anak ka na”. Puwede rin namang “Hoy! Handa ka
na bang magkaanak? Kung oo, eh 'di mag-anak ka na!” Isa pa, kung
pagbabasehan natin ang Bibliya, hindi ba't ginawa muna ng Diyos ang
liwanag, mga halaman, mga hayop at iba pa bago Niya ginawa ang tao?
Ibig-sabihin, inihanda muna Niya ang mga pangangailangan natin,
kaya't dapat ganoon din ang gawin nating paghahanda bago magkaroon ng
anak.
Mamulat
tayo sa katotohanan. Ito ang tunay na salamin ng buhay. Ang mundo ay
hindi isang palaruan at ang bata ay hindi ginawa para paglaruan o
itali sa damuhan para makakain. Makagagawa tayo ng bata sa loob ng
ilang minuto o oras, pero ang pagpapalaki sa kanya ay habambuhay
nating gagawin. Matitiis mo bang nanlilimos ang anak mo? Matitiis mo bang makitang ang anak mo hindi nakakakain nang maayos, at hindi mo man lang mailibre paminsan-minsan sa Jollibee, kahit sundae man lang? Kung hindi mo naiisip ang mga ito, gumising ka 'Te!
Kailan ko ba masasabi na handa na kami?
Oo nga ano? Twenty-eight years old na ako, at pareho na rin naman
kaming may trabaho. Nakalipat na rin naman kami sa apartment kung
saan puwede ang bata (no children allowed sa room for rent na
tinirhan namin dati) at next year, kung walang palya, maayos na
ang SSS, Pagibig at Philhealth namin, so siguro, puwede na. Kung
bibigyan kami ni Lord next year, maraming salamat. Masasabi kong
handa na kaming maging mga magulang. Pero sa ngayon, masasabi naming
mag-asawa na hindi pa kami handa; naghahanda pa lang.
Sabihin
mo na'ng ma-pride ako, o kaya'y nega o
negatibo kung mag-isip. Ang totoo, mulat lang ako sa katotohanan na
ang pag-aasawa, lalo ang pagkakaroon ng anak, ay isang napakalaking
responsibilidad. Ang bottom line dito, huwag mag-asawa lalo na ang
magkaroon ng anak kung hindi ka naman handa. Alam nating mahirap ang
buhay, bakit hindi tayo maging handa? Naghihirap na ang Pilipinas,
huwag na nating dagdagan.
maganak kna nga kasi ! hahaha ! pero mas ok maghintay kesa may perks of havign a child ka nga wala naman makain davah ?
ReplyDelete-- Simply Jhaycee
http://iamjocelledelacruz.blogspot.com
Haha! I like it! Thank you sa comment Jhaycee!
DeleteSuper tomo! Saka enjoy mu muna yung time mu with your hubby. Ang bata pa kaya natin. Mahirap naman magkaanak tapos hindi maibibigay ang lahat. ;)
ReplyDeleteThanks for your comment Mimi!
DeleteGrabeh Te.....sa katotohanan!Approved by all sectors! Tumpak po ang tanong na dapat i-post tungkol dyan that is, handa k n b magkaanak kesa sa suggestion na mag-anak ka n kc;)I wish you n your hubby the best n to your future kid/kids light,love n more blessings!!!
ReplyDelete